Lunes, Setyembre 10, 2012

Ang Kwento ni Issa: "Mapagparayang Puso"


Masasabing isa sa pinakamagandang kaganapan sa buhay ng tao ay ang umibig.
Ngunit kung mura ang iyong kaisipan at hindi pa hinog ang iyong kaalaman sa katagang "Pagi-ibig", malalaman mo kaya ang tunay na kahulugan nito? 
Hanggang saan mo kaya magmahal? 
Ano ang mga kaya mong itaya sa ngalan ng pag-ibig?

Mula sa liham ng isang babaeng nagmahal, nasaktan, at nagparaya:
~ISSA~

Noong una, gusto ko sanang maging pribado na lang ang love life ko (lalo na ang past ko), pero naisip ko, sa dami ba naman ng pinagdaanan ko, okay na sigurong ibahagi ko nalang ito. Ang kwento ko ay nagsilbing isang malaking aral sa akin at sana'y gayundin sa mga makakapagbasa nito.

I'm Issa from Novaliches Quezon City. Lima kaming magkakapatid, tatlong lalaki at dalawa kaming babae. Pangalawa ako sa pinakabunso. Bata pa lamang ako, mulat na ko sa mga payo at pangaral ng parents ko. Hanggang sa pagdadalaga ko, bantay sarado parin ako sa amin lalo na ng tatay ko. Strict ba, oo strict kung strict. Natural lang siguro yun kasi dalawa lang kaming babae. 

Sa aking pagdadalaga, mahilig ako nun manood ng kung anu-anong love stories, magbasa ng mga librong nakakakilig, nakakaiyak, nakakainlove! Basta love ang topic, winner sa akin yan. Kahit sa mura kong edad na yun eh alam ko na kahit kaunti kung ano yung tinatawag nilang "Love". Nakikita ko naman kasi ang nanay at tatay ko kung paano sila nagmamahalan, nagkukulitan, at naglalambingan. Natutuwa nga ako tuwing nakikita ko sila. Pero hindi ko alam kung ano ang pakiramdam.

Minsan naitatanong ko sa sarili ko...
 " Darating kaya yung panahong makakatagpo rin ako ng isang taong magmamahal sa akin?"

Sa edad kong fifteen, di ko inakalang doon pala magsisimula ang lahat...
High school ako nung nakilala ko si Ben. Dalawang taon ang pagitan ng edad namin. 15 ako, 17 sya pero magkabatch kami. Crush ko nang matagal si Ben simula palang nung una ko syang makita sa labas ng gate na naka-motor. Nasabi ko sa kaibigan kong si Jean ang tungkol kay Ben, nagkataon naman na magkakilala sila kaya kami nagkaroon ng pagkakataon na magkakilala ng personal.. Minsan, isinama ako ni Jean sa classroom ni Ben. Syempre tahimik lang ako, di ko rin naman kilala yung iba dun. Ipinakilala ako ni Jean kay Ben.

Matangkad, chinito, matangos ang ilong, mapulang mga labi, moreno, at sobrang cute ni Ben. Nakakaloka. Nakatitig lang ako sa mga mata niya sa mga oras na yun. Nagsimula siyang magsalita, typical na mangaasar para magpapansin. Hanggang dumating sa point na nalaman ko na crush din ako ni Ben. Pero di ko naman macoconsider na love at first sight yun pero parang kakaiba lang yung pakiramdam nung una ko siyang makita. 

Simula nun, madalas na siyang bumisita sa room namin para mangulit, mang-asar, basta kung anu-anong paraan para lang magpapansin. Mahilig syang mag-iwan ng mga gamit nya sa desk ko, magugulat nalang ako kapag uwian na sasabihin nya, "Issa, may nakalimutan ako sa room nyo ah". Pero ang totoo, gusto lang pala niya ko sabayan para umuwi. Ako naman, dedma lang... Kunwari di kinikilig.

Isang araw, habang nasa bahay ako, brown out pa sa amin kaya naisipan kong magpahangin sa labas. Sakto naman na may dumaan na motor sa tapat ng bahay. Alam ko at kilala ko kung kaninong motor yun. Kay Ben. " Issa! Issa! Ano nga pala uli yung number mo?" sa taranta ko na may halong pagkakilig eh ibinigay ko ang number ko. Ilang sandali lang, biglang lumabas ng pinto ang tatay ko, nataranta ang diwa ko jusko. "O cge na, umalis kna, bilis bilis."

Pinagpawisan ako ng malapot dun sa eksenang yon. Syempre ayoko naman mapagalitan. Strikto kasi.Hindi ko alam kung nakakainis ba yun o nakakatuwa. Para kasi sa parents ko, importante ang pag-aaral... MUNA. So meaning, walang ligaw-ligaw, at kung anu-ano pa mang pwede mong iconnect sa pagkakaroon ng relasyon.

Lumipas ang mga araw, naging magkasundo na rin kami ni Ben. Magaan na ang loob ko sa kanya at natutuwa ako dahil nandyan sya para sakin.

Nagkaroon ng event sa school, pumasok ako ng maaga.
"Issa! Issa! hinahanap ka ni Ben!"
Halos lahat na ata ng makasalubong ko pare-pareho ang sinasabi. Laking pagtataka ko naman bakit ako hinahanap nun.

Hanggang nakita ko si Ben at gayundin sya.
"Oh bakit mo daw ako hinahanap?"
Pumuwesto sya sa likuran ko at iginuhit ang mga katagang " I LOVE YOU"
"Nabasa mo ba?"
-"Oo..."
"I Love you Issa!"
-"I..I..I Love you too Ben"

Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko bakit ko nga ba nasabi yon kay Ben.
Siguro it's more on the feelings... Nasabi ko kung ano ang laman ng puso ko...

Naging kami ni Ben. Masaya kami sa araw na araw na magkasama kami. Kahit mahirap dahil nga sa sitwasyon ko, kinakaya namin pareho. Tila ba wala nang katapusan ang aming kaligayahan dahil sa pagmamahal na namuo at bumunga sa aming dalawa. Dumating sa punto na ipinakilala na ako sa parents nya, mga kapatid, at halos sa lahat ng kamag-anak niya.Ngunit sa kabila ng bawat masasayang sandali namin, di maiiwasang bumisita ang mga problema...

Nais makilala ni Ben ang parents ko. Gusto niyang bumisita ng bahay para maipakilala ko.
Bagay na hindi ko kaya. Bagay na hindi pwede. Bagay na imposible. 

Mahal ko si Ben at ang pamilya ko. 

Naiintindihan ni Ben ang sitwasyon ko, kahit mahirap, kinakaya namin.

Hanggang isang araw, tila biglang may nagbago kay Ben.
Hindi na sya masyado nagpaparamdam sa akin, di na naglalambing, di na sya nangungulit o nangaasar, natitiis nyang di makipagusap sa akin kahit halos lumipas na ang tatlong araw... Kapag pumupunta ako sa kanila, palagi daw umaalis... Malamig na si Ben sa akin.

Magmula noon, marami na akong mga naririnig sa mga kaibigan ko, may nililigawan daw si Ben na iba.
Hindi ako naniwala sa kanila. tiwala ako kay Ben. Hindi nya magagawa yon.
Hindi ako nagbubulag-bulagan. Hindi ako Martir.
Kilala ko si Ben. Naniniwala ako kay Ben.
Mahal ako ni Ben. Mahal niya ako.

OO, alam ko namang may pagkukulang ako. May mga gusto sya, mga pangangailangan na hindi ko kayang maibigay pero alam niya kung gaano ko siya kamahal. Di lang sya ang nahihirapan, kung anong hirap ng nararamdaman nya, doble sa akin yun. Kapag nasasaktan sya, mas lalo na ako. Gusto ko rin namang maging maayos ang lahat. Tamang oras lamang ang hinihintay ko, yun lang.

Hindi natapos ang mga balita tungkol kay Ben. Madalas pa rin akong makarinig ng mga kwentong pambababae niya. Lumalabas kasama ang ibang babae, nakikipagligawan, landian, o kahit pa kung sinu-sinong maari nyang parausan. Pero pilit kong isinasara ang tenga ko at ipinipikit ang mga mata ko.
Hindi ako bingi. Hindi ako bulag. Madalas akong umiiyak dahil dun. Maraming mga larawan sa isipan ko kung ano nga ba ang totoo? Pero mas pinili kong manahimik at kimkimin na lamang ang sakit na nararamdaman ko.

Kinausap ko si Ben tungkol dun para matapos na kung ano man ang gumugulo sa aking isipan.
Habang nakatitig ako sa mga mata nya, pinipigil kong tumulo ang aking mga luha.
"Totoo ba lahat ng sinasabi nila?"
Tumahimik ang buong paligid... gusto kong tumakbo at ihinto na lamang ang pag-uusap na iyon.
Ayoko na gusto kong marinig ang isasagot niya.
"OO, totoo Issa"

Nanghina ang buo kong katawan sa narinig ko, ang dating Ben na una kong nakilala, ni sa panaginip ko ay di ko naisip na magagawa nya ang lahat ng iyon.
Maraming naglaro sa isip ko, nanginginig ang mga kamay ko, walang tigil sa pagluha ang mga mata ko.

Pipi ako pero hindi ako BULAG. Hindi ako BINGI. Hindi ako MARTIR. At lalo nang hindi ako TANGA.

Tumagal pa ang aming relasyon. Hindi ko alam kung ano pa nga bang pinanghahawakan ko pero ang alam ko, ayoko mawala si Ben sa buhay ko. Lahat ng sakit kaya kong tiisin at tanggapin para sa kanya. Mahal na mahal ko si Ben.

Pipi ako pero hindi ako BULAG. Hindi ako BINGI. Hindi ako MARTIR. At lalo nang hindi ako TANGA.

Marami paring ginagawang kababalaghan si Ben. Hindi ko na sya masyadong tinatanong kung saan sya pupunta o anu pa man. Umaasa akong magbabago si Ben balang araw. Kasi mahal ako ni Ben.

Pipi ako pero hindi ako BULAG. Hindi ako BINGI. Hindi ako MARTIR. At lalo nang hindi ako TANGA.

Dumating sa akin ang isang balitang di ko inaasahan.
Nakabuntis si Ben.
Hindi ako naniwala. Tsismis lamang ang iyon. Mga tsismosang walang magawa sa buhay nila kundi ang manira at mainggit.
Kahit pa sabihin nilang lahat na hiwalayan ko si Ben.Hindi ko gagawin yon. Hindi ako sira-ulo para maniwala sa kanila. Hindi iyon magagawa ni Ben sa akin. mahal ako ni Ben.

Pipi ako pero hindi ako BULAG. Hindi ako BINGI. Hindi ako MARTIR. At lalo nang hindi ako TANGA.

Inamin ni Ben ang lahat. Nakabuntis nga siya.
Tulala lang ako.
Naisip ko lahat.
Ako pa ba to? Ito ba ang gusto ko? Ito ba ang pangarap ko? Ito ba ang tadhanang nakalaan sa akin?
Bakit ako? Bakit ako pa...
Pipi kasi ako ehh...

Walang BOSES.

Ayoko na maging Pipi. 
Nabulag pala ako... Nabinggi ako... Martir ako... at TANGA ako.

Bago pa man matapos ang usapan namin ni Ben. Nagdesisyon na akong makipaghiwalay sa kanya. Mas inisip ko ang kapakanan ng batang anakni  Ben kesa ang aking sarili. Malungkot pero may kakaibang pakiramdam na tila nakawala ako sa isang madilim na pagkakaidlip. Mabilis ang lahat ng pangyayari, itinanim ko na sa aking isipan na ang lahat ng bagay sa mundo ay may dahilan. Maaring hindi si Ben ang nakatadhana para sa akin pero hindi parin ako nawawalan ng pag-asa na darating ang panahon, matatagpuan ko ang lalaking maririnig ang boses ko, bubuksan ang mga mata ko, at masusuklian ang lahat ng pagmamahal ko.

23 years old na ako ngayon. Halos pitong taon mula nung nakilala ko si Ben. Ang huli kong balita kay Ben ay masaya na ito sa kanyang pamilya. Masaya na rin ako ngayon, masaya sa naging desisyon kong magparaya ang puso ko para sa ikabubuti ng lahat. Natuto akong bitawan kung ano man ang dapat nang bitawan. Natutunan kong hindi na dapat ipinipilit ang hindi na dapat. 

Ako si Issa, isang babaeng nagmahal, nasaktan, nagparaya ngunit unti-unting bumangon at natutunan na ang tunay na pag-ibig ay mayroong tamang oras, pagkakataon, at taong nakalaan para sa iyo...


                                                                                                                                   -Issa








5 komento: